Tinatalunton ng Corpus ang katawan sa iba't ibang sangandaan ng ating pananalig sa iba't ibang anyo ng pag-ibig: mula sa lalim ng kinukumpisal na sugat sa palad, sa mga daplis ng bala mula sa digmaan hanggang sa lawak ng blangkong pilas ng papel ng kasaysayan at kaligiran ng kahulugan at diskurso ng wika. Ang lahat ay pagtatangkang makahanap ng korporealidad ang tula: magkabalat ang salita at maghunos bilang panibagong uri ng danas sa harap ng iba't ibang dahas ng dito-at-ngayon ng ating panahon.
"May malawak at malalim na pagsisiyasat na laging nagaganap sa mga tula ni Carlos Piocos III: kasinglawak at kasinglalim ng puwang na masusing inuukilkil ng kaniyang talinghaga. Budhi sa budhi, laman sa laman, nabubuksang tila sugat ang karimlang pumapagitan sa pag-ibig at pag-iisa, sa sarili't sanlibutan, sa gulugod ng buhangin at mata ng konstelasyon, sa lahat ng karanasang naliligid ng limang pandama. Wari'y awtopsiya, laging duguan ang kaniyang talinghaga sa pagbusbos sa mga lihim na sanhi ng pagitang sumasaklot sa kamalayan ngunit siya ring nagsisiwalat sa katotohanan at nagpapalaya sa kaniyang diwa." --FIDEL RILLO
Kasalukuyang guro sa Departamento ng Panitikan ng De La Salle University Manila. Nagtapos siya ng BA Comparative Literature (University of the Philippines Diliman), MA Critical and Cultural Theory (Cardiff University), at PhD Comparative LIterature (The University of Hong Kong).
Bago dumating sa buhay natin si Abner E. Dormiendo, mayroon munang isang Carlos Piocos III char hehe
Seryoso tho, na-enjoy ko itong basahin. Pinaka nagustuhan ko iyong chapter ng Guerra Cantos, partikular iyong poem II. Nauna ko ng mabasa iyong Kung Ang Siyudad ay Pag-ibig na masasabi kong mas may talas at lalim kaysa rito. Pero ano’t ano pa man ay taglay ding itong sariling diin at sinseridad.
Kay husay magsilid ng mga emosyon ni Piocos sa objects/gamit. Para sa akin ay epektibo iyong catalog verses na animo naglalatag ng memorabilia sa loob ng malate at/o kabaong ang persona.
Sa mga nagsisimulang magbasa ng tula, kung naappreciate ninyo ang “Mahal Kong Oryang” ni Eljay Deldoc, magandang pagtawid ito, tiyak kong magugustuhan ninyo rin ito.
Ngayon lang ulit ako nagbasa ng librong nasa wikang Filipino. Ang tagal na pala nung huli. Nabalik ako sa ulirat na ang ganda ng wikang kinalakhan ko. Malawak at malalim. Madamdamin. Sa kabilang banda tila nalungkot rin ako hindi lang dahil sa mga damdaming dulot nito, dahil na rin sa pag-iisip na baka malungkot ang taong nagbahagi sa akin nito.
"Ilublob mo ang iyong daliri sa tubig at haluin ang timpla ng panaginip. Haluin nang haluin hanggang magbuhol ang dila sa sarili nitong bibig, hanggang malunod ang labi sa sarili nitong halik."
Sinisiyasat ng "Corpus" ni Carlos Piocos III ang katawan bilang lunan ng pag-ibig at lunggati. Maraming mahuhusay na linya at kabig sa mga tula, at siyempre mataginting at kabigha-bighani ang tinig ng mga persona ng pari at gerilyang naglilihaman ng lihim at bawal na sintahan sa kabanatang "Guerra Cantos." Gayunman, nanghihinayang ako sa potensyal pa sanang palawigin ang dalumat ng katawan at ang pagsiyasat sa anatomiya bilang paksa ng tula. Paulit-ulit kong naiisip: hindi nagtatapos ang katawan sa bibig.
"Corpus" ni Carlos Piocos III (UST Publishing House, 2010)
Gusto kong mahalin ang bawat saknong at talinghaga ng mga tulang isinulat dito ni Carlos Piocos III ngunit madalas na nawawala ako sa gitna ng mga ito. Matalino ang pagkakasulat sa bawat tula ngunit hindi pa siguro ganoon kahinog ang utak ko upang intindihin ang mga metapora na naisulat.
Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, buong buhay na tatatak sa utak ko ang tulang niyang “Ang Pagitan”.
Huling babasahin sa taong 2015. Napakaganda ng mga tulang isinulat dito. Mula sa Kasaysayan tungo sa pag-ibig, sa kalikasan tungo sa ating katawan, at marami pang iba.